-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nasa P2.7 million na halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nakumpiska sa joint buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency-Special Enforcement Team (PDEA-SET) at Murcia Municipal Police Station sa isang pribadong farm sa Purok Lacson, Barangay Alegria, Murcia, kagabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa PDEA-SET team leader agent na Bamboo, at large o pinaghahanap ang kanilang subject person na isang Andrew Ledesma.

Si Ledesma ay high value individual na una na ring nakulong dahil sa iligal na droga at siya ring nagmamay-ari ng ABL Cock Farm.

Nahuli naman ang dalawa nitong empleyado na pinaniniwalaang sangkot din sa operasyon na nagngangalang Rayland Artus, 31-anyos, residente sang Barangay Tortosa, Manapla; at Justin Ledesma, 18-anyos, residente ng Barangay 13, Victorias City.

Ayon kay Bamboo, si Andrew ang katransaksyon ng poseur buyer at nang nagdeklara ito ng buy bust operation, agad na tumakas ang subject person sakay ng kanyang motorsiklo.

Dahil sa lubak-lubak ang daan at madilim ang lugar, hindi na ito nahabol pa ng kapulisan.

Nakumpiska ang 450 hanggang 500 grams ng suspected shabu na may estimated market value na P2,720,000.

Ayon sa team leader, si Andrew ay pinaniniwalaang miyembro ng Mangundacan Drug Group.

Itinanggi naman nina Rayland at Justin na may kinalaman sila sa iligal na gawain.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng Murcia Municipal Police Station ang dalawa at nakatakdang sampahan ng kaso.