BACOLOD CITY – Patay ang sinasabing lider ng drug group matapos umanong manlaban sa pulisya na nagsagawa ng buy bust operation sa Victorias City, Negros Occidental, kaninang umaga.
Pasado alas-8:00 ng umaga nang nabilhan ng P27,000 halaga ng suspected shabu ang subject na si Leoner Jalandoon, 44-anyos, sa bahay na kanyang inuupahan sa Salvacion Subdivision, Barangay 6, Victorias City.
Si Jalandoon ay tubong Sitio Sibucao, Barangay Banago, Bacolod City ngunit lumipat ito sa Victorias noong nakaraang araw.
Ayon kay Negros Occidental Police Provincial Office director Police Colonel Romeo Baleros, naiabot na kay Jalandoon ang buy bust money ngunit nanlaban ito sa poseur buyer nang kanyang nahalata na isa itong pulis.
Dahil dito, napilitan daw ang operatiba na barilin si Jalandoon sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ayon kay Baleros, naghanda sila ng precautionary measure dahil sa alegasyong “armed and dangerous” ang subject.
Sa imbentaryo ng mga otoridad, nakuha sa loob ng kuwarto ni Jalandoon ang kabuuang 102 sachets ng suspected shabu kabilang ang buy bust item na tinatayang nagkakahalaga ng P2.7 million.
Nakumpiska rin ang isang .38 caliber revolver at isang granada.
Samantala, hinuli rin ng kapulisan ang live-in partner ni Jalandoon na si Janine Cruz, 18-anyos at residente ng Barangay 16, Bacolod City at nakakulong na sa Victorias City Police Station.