Papalo sa halos P38 million ang halaga ng mga Copper masks ang nasabat ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) sa ilang tindahan sa Manila at Pasay City maging sa warehouse sa Biñan, Laguna.
Sinabi ni NBI Officer-in-Charge (OIC) Director Eric B. Distor na nasa P37,956,680 ang kabuuang halaga ng naturang mga kontrabando.
Nag-ugat ang pagkakasabat ng mga pekeng Copper masks sa reklamo ng JC Premiere Business International.
Ni-request nitong imbestigahan ang pagkalat ng mga conterfeit o pekeng mga CopperMask products.
Sa bisa naman ng search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 ay agad hinalughog ng mga operatiba ng NBI-NCR ang mga puwesto dahil sa paglabag sa trademark Infringement sa ilalim ng R.A. 8293.
Kabuuang pitong search warrants sa ilang stores sa Binondo, Manila at Pasay City at isang warehouse sa Biñan, Laguna.
Nakipag-ugnayan naman ang NBI-NCR sa mga barangay personnel at mall security para maisagawa nang mapayapa ang raid.