-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Binunot at sinira ng mga otoridad ang halos P4-milyong halaga ng marijuana plants at marijuana stalks sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Benguet.

Ayon kay PCol. Elmer Ragay, provincial director ng Benguet Police Provincial Office, unang naisagawa ang marijuana eradication sa Beleng-Belis, Kapangan, Benguet na nagresulta sa pagkabunot ng 15,000 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P3-milyon.

Nagsagawa din ang mga kinauukulan ng eradication sa Kayapa, Bakun, Benguet na nagresulta sa pagkabunot ng 1,060 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga naman ng P212,000.

Maliban diyan, isinagawa rin ang marijuana eradication sa tatlong sites sa Palina, Kibungan, Benguet at nabunot ang 120 fully-grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P24,000.

Nadiskubre pa ng mga kinauukulan ang limang kilo ng dried marijuana stalks na nagkakahalaga ng P600,000.

Gayunman, bigo ang mga otoridad na makahuli ng marijuana cultivator.