Nasa P36.8 million na halaga ng hinihinalang shabu na nakatago sa teabags ang nasamsam sa buy-bust operation ng mga otoridad sa Barangay Santo Cristo, Quezon City.
Inaresto naman ng anti-narcotics officers ang suspek na si Jason John Alberca.
Nakatakdang isailalim sa drug test ang suspek at dadalhin sa Camp Bagong Diwa.
Ayon sa mga otoridad, kaya umanong magbenta ng naturang suspek ng limang kilong shabu kada araw.
Ang kanilang drugs distribution network ay kinabibilangan ng National Capital Region, Calabarzon at Central Luzon.
Sinasabi ring konektado ang drug gang sa isang detainee ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Nag-ugat ang operasyon sa isang sumbong ng isang source na nagbigay ng tip na mayroong nagaganap na bentahan ng iligal na droga sa harap ng isang paaralan kung saan naaresto ang suspek.
Ang operasyon ay isinagawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), City Drug Enforcement ng Lipa, Batangas at Quezon City Police District (QCPD) Station 15.