BACOLOD CITY – Umabot sa halos P400, 000 ang halaga ng mga hayop na namatay kasabay ng pagbaha sa lalawigan ng Negros Occidental simula nitong araw ng Linggo dahil sa bagyong Quinta.
Nabatid na simula Linggo ng hapon nang tumaas ang lebel ng tubig sa southern Negros at kahapon lang nagsubside.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Provincial Veterinarian Dr. Renante Decena, umabot sa P376,841 ang mga hayop na nalunod sa baha sa limang LGUs sa lalawigan.
Ito ang kinabibilangan ng mga kalabaw, baka, itik, free range chicken at mga baboy sa Hinobaan, San Enrique, Valladolid, Bago City at La Carlota City.
Nagpadala na rin ang Provincial Veterinary Office ng team upang matulungan ang mga LGUs sa paggamot sa mga hayop na apektado ng pagtaas ng lebel ng tubig sa kanilang lugar.
Tiniyak naman ng provincial veterinarian na magbibigay sila ng gamot at immunization sa mga hayop na apektado.