LEGAZPI CITY – Pinagtutuunan ngayon ng pansin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol ang rehabilitasyon ng aquaculture sector na labis na naapektuhan ng nagdaang mga kalamidad.
Ayon kay BFAR-Bicol spokesperon Nonie Enolva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nag-request na ang ahensya ng aabot sa P371-million na pondo para sa rehabilitation program at procurement ng mga bangka para sa mga apektadong mangingisda lalo pa at walang kabuhayan ang mga ito sa kasalukuyan.
Aniya, kabilang rin dito ang pagbibigay ng tulong sa mga mag-ari ng fishponds na labis na naapektuhan ng bagyong Tisoy.
Dagdag pa ni Enolva na mabilis lang sana ang pagsasaayos ng mga bangka kung may maipapalabas agad na pondo sa mga ito.
Paliwanag ng opisyal, ang mga trained fisherfolks na mismo ang gagawa ng kanilang mga sariling bangka kaya hindi na magiging mahirap ang rehabilitasyon oras na dumating na ang inaasahang pondo.