Umabot sa mahigit 6-milyon euros o katumbas ng P380 milyon ang halaga ng humanitarian assistance na ibinigay ng European Union (EU) sa Pilipinas kasunod ng pananalasa ng bagyong Rolly at Ulysses.
Sa isang pahayag, sinabi ng EU na nagpaabot sila ng shelter, food at livelihood assistance, health care at access sa malinis na tubig, safe sanitation at good hygiene na nagkakahalaga ng mahigit 2-million euros.
Ang mga EU member states naman ay nag-donate ng mas malaking halaga sa mga humanitarian institutions na tumugon sa mga kalamidad.
Kasama rin aniya nilang nagpaabot ng tulong sa ilang mga non-government organizations ang Belgium, Czech Republic, Germany, Spain, Hungary, Netherlands, at Sweden.
Pinuri rin ng EU ang gobyerno ng Pilipinas para sa kanilang pagtugon sa sakuna at recovery efforts.
Maliban dito, ginamit din daw ng EU ang kanilang Earth observation program na Copernicus Space Programme bago, sa kasagsagan, at pagkatapos ng paghagupit ng mga bagyo sa Pilipinas.
Kung maaalala, nag-iwan ng mga patay at bilyun-bilyong pinsala sa agrikultura ang Rolly at Ulysses, bukod pa sa malawakang pagbaha na nangyari sa ilang mga lugar gaya ng Cagayan at Metro Manila.