VIGAN CITY – Aabot sa halos P5-milyong fully-grown marijuana plant at pinatuyong dahon ng marijuana ang binunot at sinira ng mga otoridad sa Ilocos Sur, partikular sa boundary ng Sitio Culiang, Tacadana, Kibungan, Benguet at Sitio Sawangan, Danal, Sugpon, partikular na sa Mt. Wasan at Mt. Bila.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, alas-6:00 ng gabi ng Nobyembre 25 nang magtungo ang pinagsama-samang puwersa ng mga otoridad sa nasabing lugar ngunit alas syete na kahapon ng makarating sila sa mismong kinaroroonan ng marijuana plantation na may lawak na 3,650 square meters.
Binunot ng mga otoridad sa nasabing lugar ang 17,550 fully grown marijuana plant at nakakita pa sila ng pitong kilo ng dried marijuana stalks o tangkay ng marijuana na mayroong kabuuang halaga na P4.4-milyon.
Sa mismong lugar na rin sinira ng mga otoridad ang mga nasabing ebidensiya ngunit nagtira sila ng ilang sample na dinala nila sa regional office ng Philippine Drug Enforcement Agency – Region 1 para sa proper disposition at kaukulang imbestigasyong kanilang isasagawa.
Sa kabila nito, walang nahuling cultivator ang mga otoridad ngunit pinaghahanap na sa ngayon ang may-ari ng mismong lupa kung saan nakatanim ang mga nasabing marijuana plants.