KALIBO, Aklan – Umabot sa mahigit sa kalahating bilyong piso ang ipinagkaloob na tulong ng Deparment of Labor and Employment (DOLE) sa libu-libong mga manggagawa na naapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng Boracay.
Ayon kay DOLE 6 regional director Cyril Ticao, ito ay sa ilalim ng Adjustment Measures Program (AMP) at Boracay Emergency Employment Program (BEEP) na naglalayong paghusayin ang tinatawag na employability at competitiveness ng mga benepisyaryo at mapahupa ang epekto sa kanila ng rehabilitasyon sa isla.
Kabilang sa mga natanggap na tulong ng kabuuang 19,279 na benepisyaryo na nasa formal sector ay P4,200 na bawat buwan na financial support sa loob ng anim na buwan, pagsasailalim sa skills training at tulong upang makahanap ng trabaho.
Sa kabilang dako, nasa 5,005 na manggagawa sa informal sector at mga indigenous people ang binigyan ng DOLE ng emergency employment sa pamamagitan ng community work sa loob ng 30 araw na may sahud na P323.50 bawat araw sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Ilan pa sa mga programa ng DOLE ay ang Government Internship Program, Livelihood Programs sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP Kabuhayan) at nagsagawa rin ng mga job fairs.