-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naipasakamay na ng provincial hospital ang isang multi-million na halaga na pasilidad na prayoridad magamit ng lahat ng frontliners na walang tigil paglaban ng COVID-19 sa buong Misamis Oriental.

Ito ay matapos napasinayaan na ang nasa halos P53 milyon na COVID-19 facility isolation na itinayo sa loob lamang ng dalawang buwan sa compound ng OWWA- Alubijid Provincial Hospital ng Alubijid ng lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Provincial Governor Bambi Emano na ang nabanggit na pasilidad ay gagamitin para sa lahat ng medical, health at security frontliners na maaring dapuan ng bayrus mailigtas lamang ang mga residente ng lalawigan.

Inihayag ni Emano na hinikayat nito ang pamunuan ng ospital na ingatan ang state of the art isolation facility para tatagal at marami ang mapagsilbihan na mga kababayan dahil pera ito ng taong-bayan sa pamamagitan ng Bayanihan Act 1 mula sa national government.

Napakalatag rin sa plano ng probinsya na isasagawa ang conversion ng Talisayan at Manticao Provincial Hospitals bilang COVID 19 referred facilities para sa dalawang distrito ng lalawigan upang bawasan ang punong-puno na Northern Mindanao Medical Center ng mga pasyente ng bayrus sa Cagayan de Oro City.

Una nang hawak ng Northern Mindanao ang higit limang libo na positibo ng kaso ng virus kung saan higit 800 rito ay nagmula sa Misamis Oriental at higit 10 na ang binawian ng buhay.

Ikinatuwa naman ng maraming sektor ng syudad at lalawigan na mayroong pasilidad na mabilis naipatayo ng provincial government na malaking tulong na rin para labanan ang COVID-19 sa buong rehiyon.