BAGUIO CITY – Sinira ng mga otoridad ang P59.36 million na halaga ng mga marijuana plants at mga naiprosesong marijuana sa isinagawa nilang tatlong araw na eradication operation sa Loccong, Tinglayan, Kalinga.
Isinagawa ang operasyon noong April 20 hanggang 22, 2021 sa ilalim ng Oplan 08 India “Invincible” ng Kalinga Police Provincial Office at ng Oplan Jolly Green ng Criminal Investigation and Detection Group.
Binunot at sinunog ng mga operatiba ang 128,800 na piraso ng mga fully-grown marijuana plants na nadiskobre sa tatlong plantation sites na may kabuuang lawak na 13,600 square meters.
Natagpuan din sa ikalawang plantation site ang pitong sako at isang canvas na naglalaman ng 280 kilo ng mga marijuana bricks.
Gayunman, walang naarestong marijuana cultivator sa isinagawang operasyon.
Gayunman, pinuri pa rin ni Police Col. Davy Vicente Limmong, direktor ng Kalinga Provincial Police Office ang operating team dahil sa tagumpay na pagpapatupad nila sa kampanya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng marijuana eradication.
Aniya, magpapatuloy ang marijuana eradication operation hanggang sa malinisan ang mga illegal drug-affected barangays sa Kalinga, partikular sa bayan ng Tinglayan.