Papalo sa P7 million ang halaga ng shabu na naharang ng Bureau of Customs (BoC) na nakasilid sa air fryer mula sa Sha Alam, Malaysia.
Base sa report ng Port of Clark, ang P6.8 million na halaga ng shabu ay nakalagay sa plastic packs at may timbang na 1,000 grams o isang kilo.
Dumating sa bansa ang shipment noong February 16, 2021 at idineklarang “Air Fryer, Silkware.”
Pero nang dumaan ito sa physical examination ay dito nadiskubre ang mga kontrabando na kinabibilangan ng dalawang piraso ng kawali at isang air fryer.
Ang shipment ay dumaan din sa K-9 sniffing dogs at ang nakuhang samples ay agadi sumalang sa laboratory testing at chemical analysis.
Dito nakumpirmang Methamphetamine Hydrochloride o shabu ang lamang ng mga plastic.
Agad namang naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Atty. Ruby Alameda laban sa personalidad na nakapangalan sa shipment dahil sa paglabag sa R.A. No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at R.A. No. 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Noong Pebrero 19, 2021, sa pakikipag-ugnayan ng BoC sa Philippine Drug Enforcement Agency Region (PDEA) Region III ay agad nagsagawa ang mga otoridad ng controlled delivery operation na naging daan para sa pagkakaaresto ng claimant sa Region VII (Cebu City).
Kasong paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs) ng RA 9165 ang ihahain laban sa suspect.