CAGAYAN DE ORO CITY – Umaabot sa P6.8 milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa isinagawang drug buy bust operation sa Purok 7, Kapigis Barangay Eastern Wao, Lanao del Sur.
Sa ginawang buy bust operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 12 (PDEA-12), PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM), Wao Municipal Police Station at Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Lanao del Sur Provincial Police Office ay kanilang nahuli sina Daranggi Ombo Angatong alyas Salaudin at Lendi Asiw Mangondacan.
Sinabi ni Lanao del Sur Provincial Police Office director Col. Madzghani Mukaraam, nanlaban pa umano si Mangondacan kung kaya’t nabaril sa paa na agad namang dinala sa bahay pagamutan.
Ayon kay Murakaam hindi lamang ito ang unang pagkakataon na sinubukan nilang isinailalim sa buy bust ang mga suspek ngunit naging mailap pero dumating na rin ang araw na nasabat ang mga ito.
Narekober sa posisyon ng mga suspek ang isang kilo na pinaniniwalaang shabu at ang Kia Picanto na sasakyan.
Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga nahuli.