-- Advertisements --
243601758 165431809096510 7644375872673414091 n

Nasa kustodiya na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit isang kilong shabu na nagkakahalaga ng mahigit P7.5 million na nasabat sa Fedex warehouse sa Pasay City.

Ang 1.1 kilong shabu na nakasilid sa dalawang parcel na may street value na P7,527,600 ay naharang ng Bureau of Customs Port of NAIA, NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at PDEA.

Agad namang isinailalim ang mga parcel sa 100% physical examination matapos idaan sa x-ray scanning machine dahil sa kahina-hinalang laman nito.

Nang isagawa ang examination, nasa apat na plastic na naglalaman ng shabu ang nakasingit sa mga T-shirts.

Ang kontrabando ay galing sa Malaysia at idineklarang “cloths slipper” at “cloths slipper jung food chip.”

Sa ngayon, inihahanda na ng PDEA ang mga kasong posibleng kaharapin ng mga sangkot sa pagpupuslit ng droga.

Posibleng maharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002 (Republic Act No. 9165) at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).