Nasabat ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang P81.6-milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Lower Bicutan, Taguig City dakong alas-7:00 ng Biyernes ng gabi.
Nadakip sa buy-bust operation sa pagkakaaresto sa dalawang armadong suspek na sina Ryan Labanderia, 26; at Ervyn Querubin, 35.
Base sa imbestigasyon, nang mapansin ng mga suspek na isang pulis na poseur buyer ang kanilang katranskasyon, agad bumunot ng baril si Labanderia at itinutok sa isa pang pulis.
Sumakay ang mga suspek sa kulay itim na kotse na minaneho ni Querubin na papunta sanang Barangay New Lower para tumakas ngunit nahuli rin ng mga operatiba.
Nasawi ang dalawang suspek matapos mauwi sa engkwentro ang operasyon at nagkapalitan ng putok ng baril ang magkabilang panig.
Nasamsam ng mga otoridad sa dalawa ang ang ginamit na P1-milyong buy-bust money, isang Toyota Altis, isang Nissan Navarra, .45-caliber pistol, KG9 submachine gun na may mga bala, at 12 malaking pack ng iligal na droga na nakabalot sa Chinese Tea Bag packaging.
Tinatayang mahigit-kumulang 12 kilo ang bigat ng hinihinalang shabu.
Dinala ang mga ebidensya sa RSOG-NCRPO, samantalang sa PNP Crime Laboratory binitbit ang mga iligal na droga para masuri.
Ayon kay NCRPO chief PMGen. Debold Sinas, isa ito sa pinakamalaking halaga ng shabu na nakumpiska ng mga pulis sa Metro Manila ngayong taon.
“This accomplishment is reflective of Team NCRPO’s dedication and unwavering support of the marching order of the President and the Chief, PNP to cleanse the Metro from proliferation of illegal drugs,” wika ni Sinas.