-- Advertisements --

Nakahanda na ang kabuuang P84.88 million na halaga ng agricultural inputs para sa mga magsasakang naapektuhan sa pananalasa ng mga bagyong Nika, Ofel, at Pepito.

Ayon sa Department of Agriculture(DA), kinabibilangan ito ng mga binhi ng palay, mais, high value crops, gamot, abono, atbpang agricultural inputs na magagamit ng mga magsasaka para makabangon mula sa epekto ng bagyo.

Ang mga ito ay naka-posisyon sa iba’t-ibang rehiyon tulad ng Ilocos Region, Cagayan valley, Central Luzon, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, at Northern Minandao.

Nakahanda rin ang mga fish stock at fishing equipment mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nakatakdang ipamahagi sa mga mangingisda.

Ayon sa DA, nagsasagawa na rin ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng assessment at validation sa mga insurance claims mula sa mga magsasaka na una nang nakapagpa-seguro sa kanilang mga pananim.

Plano ng DA na maipamahagi ang mga naturang tulong sa mga magsasaka sa lalong madaling panahon upang magamit ng mga biktima sa kanilang pagbangon mula sa epekto ng bagyo.