Nananawagan ang iba’t-ibang medical organizations and societies kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na ipag-utos ang pagbabalik ng halos P90 billion na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) mula sa national treasury matapos ang kuwestiyoning paglilipat nito noong nakaraang taon.
Sa isang joint statement ng 35 medical societies na pinangunahan ng Philippine Medical Association at Philippine College of Physicians, sinabi ng mga ito na ang paggamit ng pondo ng PhilHealth para sa iba pang layunin ay labag sa Universal Healthcare Law (UHC) o Republic Act 11223.
Giit ng medical organizations, batay sa pangunahing prinsipyo sa likod ng social health insurance, kapag ang subsidy mula sa gobyerno ay ibinigay sa PhilHealth, ang mga pondong iyon ay nabibilang sa pool ng mga kontribusyon na dapat gamitin para sa kapakinabangan ng mga tao.
Kaugnay nito ay hinikayat ng grupo si PBBM na agad na maglabas ng direktiba para ibalik ang kabuuan ng P89.9 bilyong hindi nagamit na pondo ng PhilHealth sa PhilHealth.
Sa halip na ilipat ang pondo para sa ibang layunin, hinimok ng mga grupo ang PhilHealth na ilaan ang hindi nagamit na halaga para mapalawak ang benepisyo ng mga Pilipino.