Magpapadala ang Hamas ng isang delegasyon papuntang Egypt para sa karagdagang pag-uusap hinggil sa ceasefire nito sa Israel.
Isa itong panibagong sinyales ng pagprogreso ng pagsisikap ng international mediators para maselyuhan na ang kasunduan sa pagitan ng Israel at Hamas para mawakasan na ang giyera sa Gaza.
Nitong Huwebes, sinabi ni Hamas Supreme leader Ismail Haniyeh na nakausap niya ang intelligence chief ng Egypt at ipinunto ang positibong pananaw sa hakbang na pag-aralan ang ceasefire proposal.
Sa isa ding statement, sinabi nito na magtutungo ang Hamas negotiators sa Cairo, Egypt para kumpletuhin ang nagpapatuloy na pag-uusap na may layuning magtulungan para sa kasunduan.
Sinabi din ni Haniyeh na nakausap niya ang prime minister ng Qatar na isa din sa pangunahing mediator sa proseso ng panukalang panibagong ceasefire.
Umaasa naman ang mediators na mawawakasan ng kasunduan ang naturang conflict na kumitil na sa mahigit 34,000 Palestino, nagdulot ng human crisis bunsod ng malawang pagkasira ng mga teritoryo.
Umaasa rin ang mga ito na hindi na matuloy ang pag-atake ng Israel sa Rafah kung saan mahigit kalahati ng 2.3 milyong mamamayan ng Gaza ang lumikas dito at nagsisilbi umano huling kuta ng mga Hamas.