-- Advertisements --

Inilabas na ng Hamas ang pangalan ng mga susunod na bihag na kanilang papakawalan.

Ang mga lalaking sibilyan ay kinilalang sina Eli Sharabi, 52-anyos; Ohad Ben Ami, 56-anyos at Or Levy , 34-anyos.

Kapalit ng nasabing mga bihag ang 183 Palestinian prisoners na hawak ng Israel.

Mula ng magsimulang ipatupad ang ceasefire noong Enero 19 ay mayroong 18 hostages na ang pinakawalan ng Hamas.

Habang ang Israel ay mayroong 383 na Palestinian prisoners ang pinakawalan.

Sa loob ng tatlong linggo bago matapos ang unang yugto ng ceasefire ay magpapakawala ang Hamas ng 33 bihag at 1,900 na mga preso.

Sinabi naman ng Israel na walo sa mga 33 na bihag ay nasawi na.

Mula ng magsimula ang pag-atake ng Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023 ay mayroong 251 na bihag ang hawak nila at mayroong 1,200 ang nasawi.

Aabot na rin sa 47,500 na mga Palestino ang napatay ng Israel sa kanilang ginawang opensiba sa Gaza.

Una ng sinabi ng opisina ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na kanilang natanggap ang listahan ng mga bihag na papakawalan kung saan inabisuhan na nila ang mga pamilya ng mga ito.