-- Advertisements --

Kinumpirma ng militanteng grupong Hamas nitong Huwebes na handa na silang magsimula ng pag-uusap hinggil sa ikalawang phase ng ceasefire sa Gaza, matapos pakawalan ang ilang daang mga Palestine mula sa mga bilangguan ng Israel kapalit ng mga katawan ng apat na labing Israeli hostage.

Ang palitan ng mga bihag na ito ay nagmarka sa unang pagtatapos ng phase ng ceasefire na nagsimula noong Enero 19 matapos lang ang ilang linggong putukan.

Sa isang pahayag binigyang-diin ng grupo na ang tanging paraan upang mailigtas ang mga natitirang hostage sa Gaza ay ang patuloy na pagsunod sa ceasefire.

‘We renew our full commitment to the ceasefire agreement, and confirm our readiness to enter into negotiations for the second phase of the agreement,’ pahayag ng Hamas.

Habang sinabi rin ng mga ito na handa sila para makipag-ayos.

Ayon naman kay Israeli Energy Minister Eli Cohen ang pagbabalik daw ng mga natitirang 59 hostage ay isang mataas na prioridad, at sinabi niyang walang kasunduan para sa ikalawang phase ng ceasefire kung mananatili ang Hamas sa Gaza.

Nanindigan si Cohen na nagsabing mas malakas ang kanilang posisyon ngayon sa negosasyon dahil sa suporta ng bagong administrasyon ng Estados Unidos.

Maalalang ang unang bahagi ng Ceasefire deal ay nagresulta nang pagpapalaya ng 620 na mga Palestine mula sa mga bilangguan ng Israel.

Habang ang katawan ng mga Israeli hostages ay naibalik sa Israel nang walang seremonyang naganap na pinuna naman ng United Nations.

Sakabilang banda ang apat na Israeli hostage ay kinilala ng mga militar na sina Tsachi Idan, Itzhak Elgarat, Ohad Yahalomi, at Shlomo Mantzur ay magugunitang dinukot ng Hamas noong Oktubre 7 sa kibbutz sa katimugang bahagi ng Israel.

Gayunpaman ang nagpapatuloy na labanan ay nagdulot naman ng malaking epekto sa buhay ng tao sa rehiyon.

Dahil tinatayang 1,200 Israeli ang namatay sa pagsalakay lamang ng Hamas noong Oktubre, at hindi naman bababa sa 48,000 na mga Palestine ang nasawi sa mga sumunod na opensiba ng Israel sa Gaza.

Ang digmaan din ay nagdulot ng malawakang pagkawasak sa imprastruktura ng Gaza na siyang nagresulta nang pagpapalikas sa milyun-milyong tao sa rehiyon.

Samantala kabilang pa sa mga pinalaya ang 445 na kalalakihan, 24 kababaihan, at mga menor de edad, pati na rin ang 151 na mga bilanggo na hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong dahil sa mga teroristang gawa.

Ilang mga bilanggo rin ang ipinadala sa Egypt, kung saan sila ay mananatili hanggang sa tanggapin sila ng ibang bansa.