Natanggap na ng Palestinian militant group na Hamas nitong umaga ng Sabado ang counterproposal ng Israel kaugnay sa posibilidad ng ceasefire sa Gaza strip at pagpapalaya sa mga bihag.
Sa inilabas na maikling statement, kinumpirma ni Khalil al-Hayya, deputy head ng political arm ng Hamas sa Gaza na natanggap na nila ang naturang proposal ng Israel na ipinadala sa mga mediator ng Egypt at Qatar noong Abril 13.
Sinabi rin nito na kanilang pag-aaralan ang nasabing proposal at sa oras na makumpleto ay agad silang maglalabas ng kanilang tugon.
Matatandaan na noong Abril 13, iginiit ng Hamas ang pagkakaroon ng permanenteng ceasefire, bagay na tinutulan naman ng panig ng Israel.
Dumating naman ang delegasyon ng Eyptian mediator sa Israel kahapon sa layong buhayin ang nabinbing mga negosasyon sa tigil putukan.
Ito ay matapos na mabigo ang Egypt kasama ang mga mediator mula sa Qatar at US na maselyuhan ang panibagong ceasefire deal simula ng mahinto ng isang linggo ang labanan sa Israel at Hamas noong Nobiyembre 2023 kung saan 80 bihag na Israeli nationals sa Gaza ang pinakawalan kapalit ng pagpapalaya sa 240 Palestino mula sa mga piitan ng Israel.