Pinalaya ng Hamas ang apat na bihag na babaeng sundalong Israeli bilang kapalit ng 200 Palestinian na bilanggo, alinsunod sa isang ceasefire agreement
na naglalayong wakasan ang 15 buwang digmaan sa Gaza.
Ang mga sundalo ay sina Karina Ariev, Daniella Gilboa, Naama Levy at Liri Albag.
Ang apat na ito ay nakatalaga sa isang observation post sa Gaza at dinukot ng Hamas fighters noong panahon ng pag-atake ng grupo sa Israel noong October 7, 2023.
Ayon pa sa militar, muli nilang nakapiling ang kanilang pamilya at dinala din sila sa ospital sa central Israel, ayon sa Israeli Health Ministry.
Samantala, bitbit naman ng isang bus ang mga Palestinian prisoners palabas ng Israeli Ofer military prison pagkatapos mapalaya ang mga hostage.
Ayon sa Prison Service ng Israel, nasa 200 bilanggo ang pinalaya.
Kabilang sa mga ito ang mga convicted militants na nagsisilbi nang habangbuhay na sentensiya dahil sa kanilang pagkakasangkot sa mga pag-atake na pumatay ng dose-dosenang tao, ayon sa listahan na inilathala ng Hamas.
Humigit-kumulang 70 ang ide-deport sa Egypt, 16 ang ipinadala sa Gaza at ang natitirang mga bilanggo ay ilalabas sa West Bank, ayon sa Palestenian officials.