Pinalaya na ng Hamas ang 3 pang bihag na Israelis ngayong araw ng Sabado, Pebrero 15.
Pasado alas-10 ng umaga, local time, pinakawalan na ng militanteng Hamas ang 3 bihag na Israelis mula sa Khan Younis sa Gaza at tinurn-over sa Red cross saka dinala ang mga ito sa Israeli army sa ibang lokasyon sa Gaza.
Ang Israeli military naman ang nagdala sa mga pinalayang Israelis pauwi ng Israel.
Kabilang sa mga pinalayang Israelis ay sina Alexander Troufanov, Yair Horn at Sagui Dekel-Chen.
Ang pagpapalaya sa Israeli hostages ay kapalit ng pagpapakawala naman sa mahigit 360 Palestine prisoners na nakakulong sa mga piitan ng Israel.
Matatandaan na nauna ng nagbanta ang Hamas na hindi nila papakawalan ang mga bihag na Israelis kasunod ng mga paglabag umano ng Israel sa ceasefire deal.
Nagbanta naman ang Israel na kung hindi papalayain ang mga bihag ngayong araw, ipagpapatuloy nito ang pag-atake sa Gaza.