-- Advertisements --

Umapela si House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. sa Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) upang tiyakin na magiging patas at mapayapa ang eleksyon sa Pampanga sa Mayo.

Ginawa ni Gonzales ang pahayag sa pagdinig ng Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Rep. Dan Fernandez ng Santa Rosa City sa Laguna kaugnay ng anim na kaso ng political killings sa ikatlong distrito ng lalawigan, na kinakatawan ni Gonzales sa Kongreso.

Dagdag pa ni Gonzales hindi dapat matakot ang mga barangay captain at barangay leaders dahil nandiyan si Gen. Fajardo at ang kapulisan.

Aniya, magiging tahimik ang eleksyon at protektado ang buong region 3.

Siniguro naman ni Fajardo na lahat ng manpower at logistical support ng PNP sa Comelec ay nakatuon upang matiyak ang isang safe, secure at credible elections.

Nangako rin si Fajardo na bilang lider ng kapulisan sa Region 3 ay gagawin nito ang lahat para maging maayos at mapayapa ang paparating na halalan.

Kinondena rin ni Fajardo ang mga pagpatay sa distrito ni Gonzales sa pagitan ng Abril 2022 at Nobiyembre 2024.

Sa apat na kaso, sinabi ni Fajardo na nasampahan na ng reklamo ang mga suspek.

Nagpasalamat naman si Fajardo kay Gonzales at sa mga miyembro ng Kamara na nagsusulong ng maayos na halalan.

Nagpasalamat din ang mga lokal na opisyal sa pangunguna ni San Fernando City Mayor Vilma Caluag sa pagsasagawa ng pagdinig.

Sinabi ni Caluag na siya at ang kaniyang mga kaalyado ay mayroong mga kalaban na konektado sa “powerful political family in Pampanga” na nagdudulot ng tensyon.