Umapela si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga opisyal at kasapi ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na ipagpatuloy ang kanilang maigting na paglaban kontra fake news, misinformation, disinformation, at malinformation na kumalakat sa social media, kabilang ang fake audio sa lumabas na video ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Ang hamon ni Speaker Romualdez ay bahagi ng kanyang mensahe sa pagdiriwang ng ika-51 anibersaryo ng KBP na may temang “Empowering People’s Voices and Aspirations” na ginanap sa Manila Golf Club Huwebes ng gabi.
Pinuri din ng pinuno ng Kamara ang limang dekadang paglilingkod ng KBP sa bansa.
Naunang nilinaw ng Presidential Communications Office (PCO) na “fake” ang kumakalat na video na inaatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na atakihin ang isang partikular na bansa.
Sa pagtitipon, nagbigay ng opening remarks si KBP Chairman Ruperto Nicdao Jr. na sinundan ng pagpapakilala ni KBP Vice Chairman Herman Basbaño kay Speaker Romualdez bilang guest speaker.
Ipinahayag naman ni KBP President Noel Galvez ang President’s message at nanguna sa ceremonial toast.
Binigyan-diin ni Speaker Romualdez na mas malaki ang hamon sa mga brodkaster kaugnay sa pangangalaga sa integridad ng institusyon lsa panahong nagbabago ang media landscape dulot ng teknolohiya, mula sa tradisyonal tungo sa digital space kung saan mabilis ang pagkalat ng “fake news.”
Binanggit din ng lider mula sa Leyte ang nakasaad sa 1987 Constitution na kumikilala sa mahalagang tungkulin ng pamamahayag sa pagpapaunlad ng bansa, sa kahalagahan ng tungkulin ng mga brodkaster sa pagsusulong ng katapatan at malinaw na pagpapakalat ng impormasyon.
Tiniyak din ni Speaker Romualdez ang patuloy na suporta ng Mababang Kapulungan sa KBP sa kanilang kontribusyon sa pag-unlad at pagpapatag ng bansa.
Siniguro ni Speaker Romualdez ang pakikipagtulungan para sa “transparency” ng industriya at mapalawak ang saklaw ng operasyon nito, at mas madaling access sa mga mapagkakatiwalaang source.