KORONADAL CITY – Masayang ibinahagi ng Koronadaleña na silver medalist sa larong chess sa katatapos lamang na 11th ASEAN Para Games sa Indonesia ang kanyang naging karanasan matapos makakuha ng karangalan hindi lamang para sa lungsod ng Koronadal kundi sa buong bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ms. Fe Mangayayam, isang empleyado ng city hall, lubos din ang kagalakan nito pagkatapos maiuwi ang silver medal sa “Para Chess Women” na ginanap sa Surakarta, Indonesia.
Ayon kay Mangayayam, hindi na bago sa kanya ang sumali sa international competition ngunit ito ang maituturing na pinakamataas na karangalan na naiuwi nito sa bansa.
Dagdag pa ni Mangayayam, bata pa lamang ito ay natuto na siyang mag-chess dahil sa kanyang mga kapatid.
Napag-alaman na sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 129, ginawaran ng plaka ng pagkilala at cash incentive na nagkakahalaga ng P40,000 ang atleta maliban sa natanggap nito sa nabanggit na kompetisyon.
Ibinahagi rin ni Mangayayam na bago pa man siya naging aktibo sa larangan ng sports ay naging biktima din siya ng pambu-bully noong bata pa dahil sa kanyang kapansanan, ngunit naging inspirasyon umano ito upang magpursige siya sa buhay.
Samantala, nagpahayag din si Mangayayam na handa itong magbigay ng libreng coaching at mentoring sa mga nais sumunod sa kanyang mga yapak.
Sa ngayon, pinaghahandaan naman nito ang mga susunod na laban sa bansang Cambodia, China at France.