-- Advertisements --

Malabo na raw mangyari ang hirit ng mga tumatakbong senador mula sa grupong Otso Diretso na magkaroon pa ng debate sa mga pambato ng Hugpong ng Pagbabago sa pamamagitan ng hiling na pag-organisa ng Commission on Elections (Conelec) ng debate.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, kung pagbibigyan man ng Comelec ang hiling ng mga kandidato ng Liberal Party (LP) ay dadaan pa ito sa en banc session.

Magagahol na rin umano sa oras ang Comelec kapag napagdesisyunang magkaroon ng debate dahil hindi naman basta-basta ang pag-organisa rito.

Una rito, sumulat ang mga kandidato ng oposisyon sa Comelec para hilinging mag-organisa sila ng isang debate para sa kalaban nilang mga senador na inindorso ng administrasyon.

Samantala, walang nakikitang problema ang Comelec sa pagpapalabas ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa narco-politicians o listahan ng mga kandidato sa halalan na sangkot sa iligal na droga.

Ayon kay Comelec Chairman Sherif Abas, magiging “guide” nga raw para sa mga botante ang narco-list.

Paliwanag niya, sa pamamagitan ng narco-list ay magkakaroon ng background ang mga botante sa katauhan ng mga tatakbo sa May elections.

Pero mas maigi raw na validated din ang ilalabas na listahan ng mga pulitikong sinasabing sangkot sa iligal na droga.

Malaki raw kasi ang epekto sa boto ng mga kandidato kapag kasama sila sa listahan ng mga pulitikong dawit sa iligal na droga.