CENTRAL MINDANAO-Naging sentro ng Culmination Day ng pagdiriwang ng Buwan ng Kooperatiba ngayong Oktubre 2022 ang pagpapalakas sng kanilang hanay partikular na sa pagpapaunlad ng samahan bilang mahalagang bahagi ng pamayanan sa Kidapawan City.
Ginanap ang Culmination Day Program sa City Cooperative Development Center (CCDC), Barangay Magsaysay, Kidapawan City.
Nanguna sa aktibidad sina City Cooperative Development Council (CCDC) Chairperson Rodolfo A. Baldevieso at City Cooperative Development Officer Dometilio B. Bernabe katuwang si Susana L. Llerin, Chairperson ng KCNHSTER Multi-Purpose Cooperative at Presidente ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA).
Kaugnay nito, nagkaroon ng lecture ang Dept of Science and Technology sa pamamagitan ni DOST Cotabato Provincial Director Michael T. Mayo at ng Bureau of Internal Revenue sa pamamagitan ni Revenue Officer II/Examiner Jojelyn T. Paco.
Mga proyekto at programa para sa kooperatiba at kung paano ito mapapakinabangan, tulad ng venture financing ang naging presentasyon ni Mayo habang patungkol naman sa mga kaukulang Memo Circulars para sa Certificate of Tax Exemptions ang ibinahagi ni Paco.
Sinundan ito ng isang Open Forum kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga miyembro o cooperators ng iba’t-ibang cooperatives na magtanong at maibahagi na rin ang kasalukuyang estado ng kani-kanilang samahan.
Pagsapit ng alas-dos ng hapon ay nagbigay ng kanyang mensahe si Cooperative Development Authority CDA 12 Regional Director Elma R. Oguis kung saan sinabi nitong malayo na ang narating ng mga kooperatiba sa Lungsod ng Kidapawan.
Sumunod ay ang awarding para sa Search for the Most Outstanding Cooperative at ito ay ang mga sumusunod: Most Outstanding Cooperative (Micro) – Kidapawan Pangkabuhayan Marketing Cooperative, Most Oustanding Cooperative (Small) – Sumbac Multi-Purpose Cooperative, at Most Outstanding Cooperative (Medium) – Kisandal Multi-Purpose Cooperative.
Binigyang parangal din bilang Hall of Famer ang mga sumusunod na kooperatiba: Gerenco, KCNHSTER, at KCDOTREMCO habang ginawaran ng special recognition ang Sta. Catalina Coop (Branch Category- 2019-2021) at Mary Mediatrix Coop (Sole Large Coop).
Sina City Councilors Rosheil Gantuangco-Zoreta at Airene Claire Pagal ang nag-abot ng mga certification kasama sina CCDC Chair Balbevieso at CCDO Bernabe. Nagbigay din sila ng inspirational message at word of challenge sa mga cooperators.
Ipinarating naman ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang kanyang pasasalamat sa mga kooperatiba sa patuloy nilang pakikiisa sa mga hakbang ng local government para mapahusay pa ang performance ng mga cooperatives sa lungsod.
Matatandaang buwan pa lamang ng July ay nagsagawa na ng tree planting activity ang CCDC, sinundan ito ng hanging of tarpaulin (Oct, 1, 2022), evaluation ng mga kooperatiba para sa Search for Outstanding Cooperative (Oct. 4-6, 2022), bloodletting activity (Oct. 21, 2022) at ang Culmination Day (Oct. 25, 2022).
Tema ng pagdiriwang ng Cooperative Month ngayong Oktubre 2022 ay KOOPinas: Nagkakaisang lakas para sa Makabuluhan at Sama-Samang Pag-unlad”.