KORONADAL CITY – Umabot na sa halos 200 ang naitalang mga kaso ng hand, foot and mouth disease(HFMD) sa 20 ka mga barangay sa bayan ng Banga, South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Dr. Ellen Quidilla ng Municipal Health Office ng Banga sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Quidilla, ang nabanggit na data ay naitala ng Municipal Health Office simula Enero 27 hanggang sa kasalukuyan.
Karamihan sa mga nagkasakit ay ang mga batang nasa 2 taong gulang pataas habang nasa 75 taong gulang naman ang pinakamatanda.
Kabilang sa mga sintomas ng hand, foot and mouth disease ay lagnat, sugat sa bibig at skin rash sa kamay at paa ng mga may sakit.
Napag-alaman na agad nagbigay ng interbensyon ang municipal health office upang mapigilan ang pagdami pa ng sakit.
Nagsagawa din ng disinfection ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga paaralan lalo na ang mga may naitalang kaso.
Samantala, ngayong araw ng lunes, magpupulong ang MHO sa mga barangay opisyal sa 22 barangay kasama ang DepEd upang mapag-usapan ang hakbang na gagawin dahil alarming na ang pagdami ng sakit at maituturing na itong outbreak.
Pag-aaralan din ang pagdedeklara ng state of calamity dahil sa nabanggit na sakit sa bayan ng Banga.