ROXAS CITY – “All systems go” na ngayong Biyernes ang taunang Handog ng Bombo Radyo at Star FM Battle of the Bands and Dance Showdown na gaganapin sa Capiz State University Main Campus Covered Gym.
Excited na ang pitong contestants sa Battle of the Bands na kinabibilangan ng Back at One, Cytoplasm, Simple Jammers, Albanda, Tobacco Bi Pipe, Cazhikami at Calixas na maipakita ang kanilang talento.
Pinasiguro naman ng 10 kalahok sa Dance Showdown na kinabibilangan ng One Crew, One Crew Jr., Roxas Pride Crew, Ground Zero, Capiz Attraction, Caprox Collection, SNTD Crew, Junior Effects, PRF Kids Iloilo, at King of Motion ang audience na mag-eenjoy sila, dahil ibang galing ang kanilang ipapamalas sa dance floor.
Naghihintay sa mga mananalo ang naglalakihang papremyo ngunit hindi naman uuwing luhaan ang hindi papalarin dahil tatanggap naman ang mga ito ng consolation prizes.
Nabatid na ito na ang ikasiyam na taon na gagawin ang Handog ng Bombo Radyo at Star FM na may layuning makadiskubre ng mga lokal na talento.
Ang naturang kompetisyon ang taunan nang isinagawa ng Bombo Radyo at Star FM kasabay ng selebrasyon ng charter anniversary ng lalawigan ng Capiz na “Capiztahan.”