Posibleng aabot mula 19 hanggang 20 bagyo ang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa kabuuan ng 2025.
Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Administrator Nathaniel Servando, posibleng tig-isang bagyo ang papasok sa mga buwan ng Enero, Pebrero, at Marso.
Pagkatapos ng summer, inaasahan na muli ang mas madalas na pagpasok ng mga bagyo sa bansa kung saan maaaring maranasan muli ang dalawa hanggang tatlong bagyo sa isang buwan, tulad ng mga nangyari sa nakalipas na taon.
Una nang inilabas ng weather bureau ang listahan ng 25 pangalan ng mga bagyo ngayong taon, kasama ang sampung auxillary name o karagdagang mga pangalan.
Nitong 2024, hanggang 17 bagyo ang pumasok sa PAR kung saan anim ang labis na nag-iwan ng pinsala bago natapos ang taon.
Ang mga ito ay ang mga bagyong naranasan ng bansa mula Severe Tropical Storm Kristine hanggang Super Typhoon Pepito na pawang naranasan sa huling quarter ng 2024.