LAOAG CITY – Pinag-aaralan umano ni Italian Prime Minister Guiseppe Conte na palawigin pa ang lockdown sa buong Italy matapos malampasan ang China sa bilang ng mga namatay.
Ito ang nakalap na impormasyon ni Bombo International News Correspondent Demetrio Rafanan mula sa Rome, Italy.
Nabatid na umaabot na sa 3,405 katao ang mga nasawi sa Italy dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) kung saan 427 ang dumagdag sa nakalipas na 24 na oras.
Aniya, imbes na nakatakdang matapos na ang lockdown sa darating na Abril 3 sa naturang bansa ay balak ng gobyerno na pahabain ito dahil mabilis pa rin ang pagkalat ng virus.
Dahil dito, nangangamba si Rafanan na posibleng maghirap pa ang mga Pilipino sa Italy lalo na sa mga walang naitagong pera na gagamitin sa pagpapalawig ng lockdown.