-- Advertisements --
Mas ligtas na umano ngayon ang kondisyon ng hangin sa Metro Manila, kumpara nitong mga nakalipas na araw, kung saan nakaranas ang malaking bahagi ng Luzon ng smog at vog sa mga lugar na malapit sa Taal volcano.
Ito ang sinabi ni Engr. Juanito Galang Jr. ng Department of Science and Technology (DOST), kasunod ng naranasang mga pag-ulan mula pa kagabi.
Ayon kay Galang, baga’t may mga lugar pa ring nakitaan ng smog, hindi na umano ito kasing-kapal ng na-detect kahapon.
Kung magpapatuloy ang ulan o kahit ambon, makakatulong ito para manumbalik ang “air quality” ng Metro Manila sa dati nitong kalagayan.
Samantala, ang mga pag-ulan naman sa ilang bahagi ng bansa ay iniuugnay sa namumuong sama ng panahon.