Nararamdaman na ang epekto ng Hanging Amihan sa Northern Luzon.
Ito ay kasunod ng opisyal na pag-iral ng naturang weather system na kadalasang nararanasan sa Pilipinas sa huling bahagi ng bawat taon at nagpapatuloy sa mga unang buwan ng susunod na taon.
Ayon sa state weather bureau, nagsimula nang maranasan ng mga residente sa Batanes ang malamig na hanging dulot ng Amihan na nagdadala ng manaka-nakang pag-ulan.
Dahil sa pag-iral ng Hanging Amihan, inilabas din ang Gale Warning sa mga baybayin ng naturang probinsya dahil sa umaabot sa hanggang 4.5 meters ang taas ng mga alon sa karagatan.
Ayon sa weather bureau, kadalasan ay unang nararamdaman sa extreme northern Luzon ang epekto ng Amihan hanggang sa unti-unti nang nakaka-apekto sa buong bansa.
Ang malamit na hangin na hatid ng naturang weather system, ay kadalasang iniuugnay ng mga Pilipino sa paparating na kapaskuhan.