-- Advertisements --
Ibinibilang na ng ilang international weather agency ang bagyong “Hanna” o may international name na “Lekima” bilang isang super typhoon.
Pero ayon sa Pagasa, nananatili pa rin sa typhoon category ang naturang sama ng panahon.
Paliwanag ni Chris Perez, iba ang paraan ng pagsukat ng kanilang ahensya kumpara sa ilang mga bansa kaya hindi magkakatulad ang pagtukoy nila sa mga bagyo.
Huling namataan ang sentro ng typhoon Hanna sa layong 490 km hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Kumikilos ito nang pahilagang kanluran sa bilis na 15 kph.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 185 kph at may pagbugsong 230 kph.
Sa kasalukuyan ay nakataas ang signal number one sa Batanes at Babuyan Group of Islands.