Nasa pitong terorista ang napatay ng militar sa isinagawang early morning operations kanina ng militar kung saan kabilang dito ang dalawang top terrorists leaders na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Sa panayam kay AFP chief of staff General Eduardo Año, ikinwento nito na bandang alas-2:00 kaninang madaling araw nang makasagupa ng mga sundalo ang grupo nina Hapilon at Omar.
Dito rin sa operasyon na-rescue ang nasa 17 mga bihag.
Sinabi ni Año na dahil sa pressure na ibinibigay ng mga operating troops sa teroristang grupo naipon nila sa “isang block” ang grupo nina Hapilon at Omar.
Nagkaroon umano ng magandang pagkakataon ang mga sundalo i-nuetralize ang grupo ni Hapilon.
“Its early morning encounter, actually ang purpose ng tropa natin is to rescue the hostages, kasi naipon na natin sila sa isang block lang, dalawang building yung kinalalagyan so yung mga hostages ang inirescue then nagkaroon ng matinding bakbakan dun so kasama napatay yung dalawa sina Isnilon Hapilon at Omar Maute,” paliwanag ni Gen. Año.
Paglilinaw ng chief of staff, unang na-rescue ng mga tropa ang 17 bihag at sinundan ito ng matinding bakbakan na nagresulta sa pagkakapatay sa dalawang terorista.
Nasa pitong cadavers ang narekober ng militar at kabilang dito ang bangkay nina Hapilon at Omar.
Hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang clearing operations sa lugar.
Batay sa diskripsyon ni Gen Año, matinding bakbakan ang nangyari kaninang umaga dahil ito na ang naging “final stand ” ng teroristang grupo.
Aminado si Año na may tinutugis pa rin silang mga kalaban at hanggang sa ngayon hindi pa tapos ang operasyon sa lugar.
Binigyang-diin ni Año na kahit patay na ang dalawang top terrorist leaders hindi pa rin sila nagkukumpiyansa kaya limitado muna ang pagbibigay nila ng impormasyon sa media.
Hindi naman masabi ng heneral na “totally wipe out” na ang mga kalaban sa nangyaring matinding sagupaan.
Batay sa pagtaya ng AFP nasa 40 pang mga terorista ang kanilang tinutugis sa ngayon.
Kung maalala unang sinalakas ng grupo ang Marawi City noon pang May 23, 2017.
Si Hapilon na lider din ng bandidong Abu Sayyaf ay binansagang emir ng Islamic State (ISIS) sa Southeast Asia ay nilagyan ng Amerika ng $10 million reward ang ulo.
Habang si Omar naman ay may patong sa ulo na P5 milyon.