Itinutulak muli ni Top Rank Promotions CEO Bob Arum na matuloy ang posibilidad ng tapatan nina Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao at welterweight star Terence Crawford.
Ayon kay Arum, sinimulan na raw nila ang pagplantsa rito at mainam daw na magharap sina Pacquiao at Crawford sa isang unification bout.
“Crawford and Pacquiao is a real possibility, and that’s one of the things we’re working on,” wika ni Arum.
Nagpahiwatig din ang beteranong promoter na maaaring mangyari sa labas ng Estados Unidos ang laban kung saan sinabi ni Arum na dapat na magbayad ng site fee ang mga bansang interesadong maging host ng Pacquiao-Crawford showdown.
Ilang mga bagay din ang kanilang ikinokonsidera sa usaping pinansyal, gaya ng pagpapababa sa pay-per-view rates, bunsod na rin ng epekto ng coronavirus crisis sa ekonomiya ng mundo.
Sa oras na maayos at makuha na nila ang kinakailangang pondo, inihayag ni Arum na wala nang atrasan para sa sagupaan ng dalawang boxing superstars.
Matatandaang hindi noon pabor si Arum na labanan ni Pacquiao si Crawford dahil sa posibleng panganib na idulot nito sa Fighting Senator.
“Manny Pacquiao won’t fight (Crawford). Yeah, I don’t want Manny to fight him because it’s a devastation and I still have a soft spot for Manny. And guys like Sean Gibbons (MP Promotions president) and so forth don’t want Manny to fight him because they feel the same way. So rule out a fight,” ani Arum.