(Update0 LEGAZPI CITY – Patuloy na tinutugis ngayon ng mga otoridad ang tinatayang nasa 15 kasapi ng local communist terrorist group na lumusob at nagpaputok sa himpilan ng Dimasalang Municipal Police sa lalawigan ng Masbate.
Ayon kay Capt. Renier Teofilo, hepe ng Dimasalang PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, limang pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang lumapit sa himpilan at nagpaulan ng bala habang ang mga kasamahan naman nito ay tinatayang nasa 100 meters ang layo.
Tumagal ng 15 minuto ang palitan ng putok at mapalad na walang nasaktan sa hanay ng PNP.
Sa kabila nito ayon kay Teofilo, marami sa mga residente sa lugar ang nakakaramdam na ng pangamba matapos ang insidente kung saan na-trauma pa umano ang mga bata na malapit sa himpilan.
Aniya, may ilang bata pa na nagkasakit dahil sa takot matapos masaksihan ang pangyayari kaya siniguro ng hepe na gagawin ang kanilang makakaya upang mapanatili ang katahimikan sa naturang bayan.
Samantala, marami na rin umano ang mga rebeldeng sumuko at nagbalik loob sa pamahalaan kaya patuloy ang paghikayat ng opisyal sa mga ito na talikuran na ang karahasan upang maabot ang minimithing kaunlaran.
Dagdag pa ng hepe na seryoso ang pamahalaan sa pagtulong sa mga ito na makapagbagong buhay kaya dapat na makipagtulungan na ang mga ito sa pagsapit ng katahimikan at maging bahagi ng solusyon sa mga suliranin ng bansa.