Humakot ng 32 points, 13 rebounds at 10 assists si James Harden upang makatulong sa paggaping muli ng Houston Rockets sa Utah Jazz, 118-98, para madagit ang 2-0 lead sa kanilang first-round playoff series.
Umpisa pa lamang ay kinontrol na ni Harden ang laro makaraang tumabo ito ng 17 points para itala ng Rockets ang 39-19 lead sa first quarter.
Hindi na nilingon ng Houston ang Jazz dahilan para maitulak pa nila nang husto ang kanilang bentahe sa 70-44 pagpatak ng halftime.
Nakahugot din ang Rockets ng suporta kina P.J. Tucker at Eric Gordon na kapwa tumipa ng 16 points, na pareho ring naging mainit ang kamay sa 3-point shooting.
Samantala, tumipa naman ng 17 points sina Ricky Rubio at Royce O’Neale para sa Jazz.
Pangangasiwaan naman ng Utah ang Game 3 sa araw ng Linggo.