Nagpakawala ng impresibong 39 points at 12 assists si James Harden upang pangunahan ang Houston Rockets sa 113-97 paggiba sa Los Angeles Lakers, na sumabak kahit wala si LeBron James.
Pansamantala munang hindi naglaro si James bunsod ng pananakit ng kanyang kanang singit.
Bagama’t kulang din sa tao ang Rockets bunsod ng pagliban ni Russell Westbrook na nabugbog ang kanang quadriceps, hindi naman ito inalintana ng Houston na sumandal kay Harden at sa kanilang long-range shooting.
Batay sa statistics, gumawa ang Rockets ng 21 of 37 na mga 3-points, habang ang Lakers ay inalat sa 2 of 19.
Ipinasok ng Lakers ang unang 10 puntos ng final canto para tapyasan ang abanse sa 94-89 sa huling walong minuto.
Gumawa naman ang Houston ng tatlong turnovers at minalas sa scoring hanggang sa maisalpak ni Harden ang layup nito sa nalalabing pitong minuto para makalapit.
Sinimulan din ng layup ni Harden ang opensa ng Houston na naghulog ng 11-0 bomba para itulak ang kalamangan sa 105-89 sa natitirang limang minuto.
Maliban kay Harden, pumukol din ng tres sina Austin Rivers at Robert Covington sa nasabing panahon.
Sa panig ng Lakers, namuno si Kyle Kuzma na may 21 points at nagdagdag ng 17 points at 12 rebounds si Anthony Davis.