-- Advertisements --

Nalusutan ng Houston Rockets ang San Antonio Spurs sa pamamagitan ng big game ni James Harden na may 61 points na ginanap sa Toyota Center.

Napantayan ni Harden ang kanyang dating career high noong January 23 laban sa Knicks at sa pagkakataong ito ay nagawang maidispatsa nila ang Spurs, 111-105.

Nagpaulan si Harden ng siyam na 3-points mula sa 13 pagtatangka habang naipasok naman niya ang umabot sa 19 na tira mula sa kabuuang 34.

Muntik nang masayang ang 19-point lead ng Rockets sa third quarter nang makahabol sa fourth quarter ang Spurs.

Swerete pa ring naisalba ni Harden ang team nang sunod-sunod niyang maipasok ang tatlong 3-pointers.

Tumulong din si Chris Paul sa huling apat na minuto na may kabuuang 18 puntos.

Habang si Eric Gordon ay nagpakita ng 12 points.

Sa panig ng San Antonio apat na mga players ang nagtala ng double figures pero hindi umubra sa MVP-performance ni Harden na maging ang kanyang mga teammates at coach ay napanganga na lamang sa kanyang nakakamanghang mga diskarte.

Pero para kay Harden simple lang naman daw ang kanyang ginawa.

“Be aggressive,” ani Harden. “We were down so we had to make shots and get stops.”

Ito na ang ika-46 na panalo ng Rockets habang nasa 42-31 record ang Spurs.

Samantala sa Lunes tutungo ang Spurs sa Boston.

Ang Rockets naman ay bibisita sa New Orleans.