Patuloy sa kanilang pamamayagpag ang Houston Rockets matapos na itala ang ikalawang panalo kontra sa Sacramento Kings, 105-100.
Muling bumida si James Harden sa kanyang 27 points at nine assists para sa perfect two-game road trip sa bagong season ng NBA sa kabila na hindi nakapaglaro si Chris Paul.
Bagamat marami ding sablay si Harden nagawa naman niyang maipasok ang ilang napakahalagang tira.
Nag-ambag din naman si Clint Capela para sa Rockets ng 22 points at 17 rebounds.
Si Eric Gordon na siyang pumalit kay Paul bilang starter bunsod ng bruised left knee ng huli, ay nagdagdag ng 25 points.
Kung maalala kahapon ay ginulantang ng Rockets ang defending champion na Golden State Warriors makaraan ang come-from-behind win sa season opener, 122-121.