Usap-usapan ngayon sa mundo ng basketball ang mistulang pahiwatig ni NBA superstar James Harden na ayaw na nitong maglaro sa Houston Rockets sa susunod na season.
Ayon sa mga impormante, tinanggihan kasi ni Harden ang dalawang taong contract extension na alok ng Rockets, na umano’y nagkakahalaga ng $103 million o katumbas ng halos P5-bilyon.
Ito ay bukod pa sa three-year, $133-million na nananatili sa kanyang kontrata sa Houston.
Sinasabing kung sakaling tinanggap ng Rockets guard ang alok ng koponan, siya na ang tatanghalin na kauna-unahang player sa kasaysayan ng NBA na kikita ng $50-million kada taon.
Sa halip, determinado raw si Harden na mapuwersa ang Houston na i-trade na ito sa Brooklyn Nets, kung saan pwede itong bumuo ng superteam kasama sina Kevin Durant at Kyrie Irving.
Sa ngayon, may inisyal na raw na pag-uusap ang Rockets at Nets ngunit wala pang nangyayaring masinsinang usapan sa pagitan ng dalawang koponan.
Wala pa rin aniyang nakikitang indikasyon ang Houston na posibleng ibigay ng Brooklyn kapalit ni Harden, na magiging kapaki-pakinabang sa kanilang panig.