-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Patuloy pa ang manhunt operations ng mga pulis upang mahuli ang magtiyuhin na pumatay sa kanilang kasamahan sa isang resort sa Talisay City, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay PSSgt. Michael Samson Mcdowell, imbestigador ng Talisay City Police Station, ang biktimang si Rogelio Ducay, isang hardinero, ay binaril ng mga suspek sa loob ng kubo sa Almadria Highlands, Sitio Mambucano, Barangay Cabatangan, Talisay City.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na may nangyaring komosyon sa loob ng kubo at may narinig na apat na mga putok.

Hinila pa ng mga suspek ang biktima sa bakanteng lote sa labas ng kubo at doon iniwan.

Dahil sa tama sa kanyang ulo, kaagad na binawian ng buhay ang hardinero.

Lumalabas din na hindi lang binaril ang biktima kundi tinaga pa ng mga suspek dahil narekober sa crime scene ang isang bladed weapon.

Ayon sa Talisay City Police Station, kapwa guwardiya ang mga suspek na hindi pa pinangalanan.

Habang papunta ang mga pulis sa crime scene, may nakasalubong silang lalaki na sakay sa motorsiklo ngunit nang pinahinto ito para sa interview, bigla itong bumaba at tumalon sa bangin.

Sa pag-usisa sa kanyang motorsiklo, may bakas ng dugo sa kanyang foot rest at headlight ngunit hindi natukoy ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng motorcycle rider.