Tumipa ng 34 points si Tobias Harris upang pamunuan ang kulang-kulang na Philadelphia 76ers sa 115-106 pagdomina sa New York Knicks.
Si Harris ang naging sandalan ng 76ers dahil sa pagliban ng mga All-Stars na sina Joel Embiid at Ben Simmons dahil sa iniindang injury.
Umalalay din sina Shake Milton na umiskor ng 19 points, at Al Horford sa kanyang 15 para sa Philadelphia, na pinaganda pa sa 28-2 ang kanilang home record.
Hindi naman nagbunga ang 30-point, 10-rebound performance ni Julius Randle para sa Knicks, na nabigo sa kanilang ikaanim na sunod na laro.
Aminado si Knicks coach Mike Miller na kinapos ang kanyang tropa sa depensa, ngunit natuwa naman ito sa naging performance ng koponan sa second half.
Dikit pa sa 107-102 ang iskor sa nalalabing 2:08 makaraang ipasok ni Randle ang isa sa kanyang dalawang free throws, ngunit nagpasabog ng sunod-sunod na 3-pointers sina Harris at Milton upang hindi na lingunin pa ng 76ers ang New York.
Sa Linggo, bubuksan ng Knicks ang kanilang five-game homestand kontra Chicago Bulls.
Habang ang 76ers naman ay sisimulan ang kanilang four-game trip sa teritoryo ng Los Angeles Clippers sa Lunes.