Pumoste ng impresibong 28 point at 14 rebounds si Tobias Harris upang bitbitin ang Philadelphia 76ers tungo sa 125-108 paggupo sa Sacramento Kings.
Kay Harris sumandal ang Philadelphia, na naglaro nang wala ang mga All-Stars na sina Joel Embiid at Ben Simmons, bunsod ng injury.
Umalalay sina Shake Milton na may 20 points at si Al Horford na tumipa ng 18 points at walong rebounds para sa Sixers, na nilasap ang kanilang unang road win sa loob ng mahigit isang buwan.
Sa panig naman ng Sacramento, tumipa ng 23 points at pitong assists si De’Aaron Fox, samantalang may 22 markers naman si Buddy Hield.
Hindi kailanman nilingon ng Sixers ang Kings, at pinalawig pa hanggang sa 16 puntos ang kanilang abanse noong final canto.
Nagtangka namang humabol ang Kings nang magpakawala ng back-to-back 3-pointers sina Hield at Harrison Barnes para ilapit sa 112-106 ang iskor.
Ngunit kaagad na sumagot ng jumper si Harris para sa 76ers, na sinundan ng dunk at dalawang free throws ni Horford para isara ang laro sa pamamagitan ng 13-2 bomba.