-- Advertisements --

Maaaring mailagay si dating Spokesperson Atty. Harry Roque, sa watchlist ng International Criminal Police Organization (Interpol) kung mag-iisyu ng warrant of arrest ang korte, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Paliwanag ni BI Spokesperson Dana Sandoval, na habang may detention order ang Kamara laban kay Roque, kinakailangan ng warrant of arrest mula sa korte upang mailagay siya sa watchlist ng Interpol.

Dagdag pa ni Sandoval na, bagamat may immigration lookout bulletin laban kay Roque, wala pang hold departure order na ipinalabas laban sa kanya.

Ang lookout bulletin ay nagpapahiwatig lamang na kailangan bantayan ang mga biyahe ni Roque, samantalang ang hold departure order naman na tanging ang korte lamang ang maaaring mag-isyu, kung saan nagbabawal sa isang tao na umalis ng bansa nang walang paunang pahintulot mula sa korte.

Maalalang ang pagdalo ni Roque sa The Hague, Netherlands kamakailan ay nagdulot ng kalituhan, lalo na’t may nakabinbing arrest warrant laban sa kanya mula sa Kamara na pagkakaroon umano nito ng ugnayan sa Philippine offshore gaming operators (POGOs).

Partikular ang naging ugnayan umano nito sa operasyon ng isang offshore gaming hub sa Porac, Pampanga, na ni-raid noong nakaraang taon dahil sa mga ilegal na aktibidad.

Gayunpaman, paulit-ulit na itinatanggi ni Roque ang pagiging isang pugante at ang mga akusasyon laban sa kanya.