-- Advertisements --

Iginiit ng Land Transportation Office(LTO) ang pagnanais nitong makapaghatid ng hassle-free at ligtas na biyahe para sa mga motorista kasabay ng paggunita sa Araw ng mga Santo at Kaluluwa.

Dahil dito, sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II na aalalay ang mga personnel ng ahensiya sa mga bus terminal, pangunahing lansangan, at maging sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao.

Una nang nagdeploy ang LTO ng mga personnel nito para umalalay sa mga biyaherong uuwi sa kanilang mga probinsya.

Marami sa mga ito ay nagsasagawa ng inspection sa mga pampasaherong sasakyan para matiyak ang road worthiness.

Ang iba ay naatasang magsagawa ng random drug testing sa mga bus driver at mga conductor.

Ayon kay Mendoza, umaasa ang kaniyang opisina na makikipag-cooperate ang mga bus companies at gagawin nila ang kanilang parte upang matiyak na mabantayan at maprotektahan ang kapakanan ng mga biyahero.

Sa panig ng LTO aniya, sisiguraduhin nilang mababantayang maayos ang mga bibiyaheng sasakyan, driver, at mga helper, bilang bahagi ng kanilang tungkulin.