Ikinatuwa ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang commitment ng Appropriations Committee at Development and Budget Coordination Committee (DBCC) na paglalaanan ng pondo ang decommissioning ng mga natitirang 14,000 combatants ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ilalim ng 2024 national budget.

Ayon kay Hataman, maliit lang naman ang kailangang pondo paara sa decommissioning o pagsusuko ng armas ng mga ito at dapat nang mapatupad tungo sa ganap na kapayapaan sa Bangsamoro.

Inihayag din ni Hataman na noong nakaraang taon sa deliberasyon sa budget, iminungkahi na rin nito na pondohan ang decommissioning sa pamamagitan ng unprogrammed funds ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring alokasyon kaya’t posibleng hindi prayoridad ng DBCC ang decommissioning sa mga MILF combatants.

Umaasa si Hataman na matapos makuha nito ang commitment ng Komite at DBCC matutuldukan na ang isyu sa decommissioning ng mga MILF combatants.

Sinasabi na bawat combatants na magsusuko ng kanilang armas ay makatatanggap ng P100,000 na transitional cash assistance mula sa pamahalaan.

“Ang decommissioning ng mga MILF combatants ay isa sa mga bagay na dapat matupad para maging ganap na ang kapayapaan sa Bangsamoro. Ilang taon nating pinaghirapan at pinagsikapan na maabot ang kapayapaan, kaya sana ay matapos na natin ito. Maliit lang naman ang kailangang pondo sa decommissioning. Kaya nagpapasalamat tayo sa commitment na ibinigay ng DBCC na gagawan ito ng paraan na pondohan na ang decomissioning ng natitira pang MILF combatants sa 2024 national budget,” pahayag ni Rep. Hataman.